22
Ang isang magandang pangalan ay dapat piliin higit pa sa labis na kayamanan, at mas mainam ang kagandahan ng loob kaysa sa pilak at ginto. Ang mayaman at mahirap na mga tao ay mayroong pagkakatulad— si Yahweh ang tagapaglikha nilang lahat. Ang isang marunong na tao ay nakikita ang kaguluhan at itinatago ang kaniyang sarili, pero ang walang karanasan na mga tao ay magpapatuloy at magdurusa dahil dito. Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot kay Yahweh ay kayamanan, karangalan at buhay. Ang mga tinik at mga patibong ay nakalatag sa daan ng sutil; kung sino man ang mag-ingat ng kaniyang buhay ay papanatilihing malayo mula sa kanila. Turuan ang isang bata sa daan kung saan siya nararapat pumunta, at kapag siya ay matanda na hindi siya tatalikod mula sa bilin na iyon. Ang mayayamang tao ay pinamumunuan ang mahihirap na tao, at ang isa na siyang humihiram ay isang alipin sa isa na siyang nagpapahiram. Siyang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kaguluhan, at ang pamalo ng kaniyang matinding galit ay magiging walang pakinabang. Ang isang mapagbigay na mata ay pagpapalain, sapagkat siya ay nagbabahagi ng kaniyang tinapay sa mahihirap. 10 Itaboy ang mangungutya at aalis ang alitan; ang mga hindi pagkakaunawaan at mga panlalait ay matitigil. 11 Ang siyang nagmamahal ng isang busilak na puso at ang salita ay magiliw, siya ay magiging kaibigan ng hari. 12 Ang mga mata ni Yahweh ay nanatiling nakamasid sa kaalaman, ngunit ibabagsak niya ang mga salita ng taksil. 13 Sinasabi ng tamad na tao, “Mayroong isang leon sa lansangan! Ako ay mapapatay sa mga hayag na lugar.” 14 Ang bibig ng isang babaeng nangangalunya ay isang malalim na hukay; ang galit ni Yahweh ay sumiklab laban sa sinuman na mahulog dito. 15 Ang kahangalan ay nasa puso ng isang bata, pero ang pamalo ng pagdisiplina ay nagpapaalis dito. 16 Ang isa na siyang nagpapahirap sa mahihirap na tao para lumago ang kaniyang karangyaan, o nagbibigay para sa mayayamang tao, ay magiging isang mahirap. 17 Magbigay pansin at pakinggan ang mga salita ng mga matalino at idulog ang iyong puso sa aking kaalaman, 18 dahil magiging kaaya-aya ito para sa iyo kung panatilihin mo ang mga ito sa iyo, kung lahat ng ito ay handa sa iyong mga labi. 19 Sa gayon, mailagak kay Yahweh ang iyong tiwala, ituturo ko ang mga ito sa inyo ngayon— maging sa iyo. 20 Hindi ko ba naisulat sa iyo ang tatlumpung kasabihan ng tagubilin at kaalaman, 21 para ituro sa iyo ang katotohanan sa mga mapagkakatiwalaang mga salitang ito, sa gayon maaaring kang makapagbigay ng mapagkakatiwalaang mga sagot sa mga nagpadala sa iyo? 22 Huwag mo pagnakawan ang mahirap na tao, dahil siya ay mahirap, o wasakin ang nangangailangang tao sa tarangkahan, 23 dahil si Yahweh ang mangangatwiran sa kanilang kaso, at nanakawin niya ang buhay na siyang nagnakaw sa kanila. 24 Huwag ka makipagkaibigan sa isang tao na siyang pinamumuan ng galit, at huwag kang sumama sa isang nagagalit nang labis, 25 o matututunan mo ang kaniyang mga pamamaraan, at papaluputan mo ang iyong sarili sa isang patibong. 26 Huwag kang makiisa sa nagbibigay ng nakakagapos na mga panunumpa tungkol sa pera, at huwag kang magbibigay ng kasiguraduhan para sa mga pagkakautang ng iba. 27 Kung kulang ka ng pamamaraan para magbayad, ano ang makakapigil sa isang tao mula sa pagkuha ng iyong higaan mula sa iyo? 28 Huwag mong alisin ang sinaunang batong nagtatakda ng hangganan na inalagay ng iyong mga ama. 29 Nakikita mo ba ang isang bihasang lalaki sa kaniyang gawain? Siya ay tatayo sa harapan ng mga hari; hindi siya tatayo sa harapan ng pangkaraniwang mga tao.