21
1 Ang puso ng hari ay isang batis ng tubig sa kamay ni Yahweh; siya ang pumapatnubay dito kahit saan niya naisin. 2 Ang bawat pamamaraan ng tao ay maaaring tama sa kaniyang paningin, ngunit si Yahweh ang sumusukat ng mga puso. 3 Ang paggawa ng kung ano ang tama at makatarungan ay mas katanggap-tanggap kay Yahweh kaysa sa sakripisyo. 4 Ang mapagmalaking mga mata at mapagmataas na puso - ang ilawan ng masama - ay kasalanan. 5 Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan. 6 Ang pagtamo ng kayamanan ng isang sinungaling na dila ay panandaliang singaw at isang patibong na nakamamatay. 7 Ang karahasan ng kasamaan ay tatangayin sila palayo, sapagkat sila ay tumatanggi na gawin kung ano ang patas. 8 Ang paraan ng makasalanang tao ay liku-liko; ngunit ang taong dalisay ay gumagawa ng tama. 9 Mas mabuti pang mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa bahay na kahati ang palaaway na asawang babae. 10 Ang gana ng masama ay nagmimithi ng labis na kasamaan; ang kaniyang kalapit-bahay sa kaniyang mga mata ay walang nakikitang kabaitan. 11 Kapag ang nangungutya ay naparusahan, ang mangmang ay nagiging matalino, at kapag ang taong marunong ay naturuan, nadadagdagan siya ng kaalaman. 12 Ang isang gumagawa ng tama ay binabantayan ang bahay ng masama; kaniyang dinadala ang masama sa kasiraan. 13 Ang isa na hindi dininig ang iyak ng mga mahihirap na tao, kapag siya din ay umiyak, hindi siya maririnig. 14 Ang lihim na regalo ay nagpapahupa ng galit at ang isang tagong regalo ay nag-aalis nang matinding galit. 15 Kapag ang katarungan ay tapos na, nagbibigay ito ng kagalakan sa gumagawa ng tama, ngunit ito ay nagdadala ng takot sa mga masasamang tao. 16 Ang siyang naliligaw sa daan ng pang-unawa, ay mamamahinga sa pagpupulong ng mga walang buhay. 17 Ang sinumang minamahal ang aliw ay magiging mahirap, ang taong minamahal ang alak at langis ay hindi magiging mayaman. 18 Ang masamang tao ay magiging katubusan sa gumagawa ng tama, at ang hindi tapat ay katubusan para sa matuwid. 19 Mas mabuti pang mamuhay sa disyerto kaysa makasama ang babaeng nagdudulot nang alitan at sobrang makapagreklamo. 20 Ang pinakamahal na yaman at langis ay nasa tahanan ng matalino, ngunit inaaksaya ito ng mangmang na lalaki. 21 Ang gumagawa ng tama at mabait—ang taong ito ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at karangalan. 22 Isang matalinong tao ang pumunta laban sa lungsod nang makapangyarihan, at kaniyang ginigiba ang matibay na moog na nagtatanggol nito. 23 Sinumang nagbabantay sa kaniyang bibig at dila ay nag-iingat na hindi makasali sa gulo. 24 Ang hambog at mapagmataas na tao - “mangungutya” ang kaniyang pangalan - kumikilos nang may pagmamataas na kayabangan. 25 Ang pagnanais ng tamad ay pumapatay sa kaniyang sarili, dahil ang kaniyang mga kamay ay tumatanggi sa pagtatrabaho. 26 Buong araw siyang nagmimithi at nagmimithi nang labis, ngunit ang isang gumagawa ng tama ay nagbibigay at hindi nagpipigil. 27 Ang alay ng masamang tao ay kasuklam-suklam; ito ay mas kasuklam-suklam pa kapag dinala niya ito ng may masasamang motibo. 28 Ang hindi totoong saksi ay mamamatay, ngunit ang isang nakikinig ay magsasalita sa lahat ng oras. 29 Ang masamang lalaki ay ginagawa ang sarili na tila malakas, pero ang matuwid na tao ay maingat sa kaniyang mga kilos. 30 Walang karunungan, pag-unawa o payo na kayang makatalo kay Yahweh. 31 Ang kabayo ay handa para sa araw ng labanan, ngunit kay Yahweh ang tagumpay ay nabibilang.