19
Mas mabuti ang isang mahirap na lumalakad nang may karangalan kaysa sa isang baluktot magsalita at isang mangmang. Gayon din, hindi mabuting magkaroon ng nais na walang karunungan at ang tumatakbo nang mabilis ay lumilihis sa landas. Pinapahamak ng kamangmangan ng tao ang kaniyang buhay, at ang puso niya ay nagagalit laban kay Yahweh. Ang kayamanan ay nakadaragdag ng maraming kaibigan, pero ang mahirap ay hiwalay mula sa kaniyang mga kaibigan. Ang bulaang saksi ay hindi makakaalis ng hindi napaparusahan, at hindi makakatakas ang siyang nabubuhay sa mga kasinungalingan. Maraming hihingi ng tulong mula sa mapagbigay na tao, at lahat ay kaibigan ng siyang nagbibigay ng mga regalo. Lahat ng mga kapatid ng mahirap ay napopoot sa kaniya; paano pa ang kaniyang mga kaibigan na lumalayo mula sa kaniya! Siya ay nananawagan sa kanila, pero sila ay naglaho na. Ang nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa kaniyang sariling buhay; ang nagpapanatili sa pang-unawa ay makatatagpo ng kabutihan. Ang bulaang saksi ay hindi makaaalis ng hindi mapaparusahan, ngunit mapapahamak ang mga nabubuhay sa kasinungalingan. 10 Hindi angkop para sa isang mangmang na mamuhay ng may karangyaan— lalong hindi para sa isang alipin ang mamuno sa mga prinsipe. 11 Ang pag-iingat ay nagdudulot sa isang tao na hindi agad magalit at ang kaniyang dangal ay ang hindi pagpansin sa kasalanan. 12 Ang poot ng hari ay parang batang leon na umaatungal, pero ang kaniyang kagandahang loob ay katulad ng hamog sa mga damuhan. 13 Kasiraan sa kaniyang ama ang isang mangmang na anak at ang mapang-away na asawang babae ay tulo ng tubig na walang tigil. 14 Ang bahay at kayamanan ay namamana mula sa mga magulang, ngunit mula kay Yahweh ang masinop na asawang babae. 15 Hinahagis ng katamaran ang isang tao sa mahimbing na tulog, pero magugutom ang isang tao na ayaw maghanapbuhay. 16 Ang tumutupad ng kautusan ay nag-iingat ng kaniyang buhay, pero ang hindi pinag-iisipan ang kaniyang mga pamamaraan ay tiyak na mamamatay. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa. 18 Disiplinahin mo ang iyong anak habang may pag-asa pa, at huwag mong patatagin ang iyong kagustuhan na ilagay siya sa kamatayan. 19 Ang taong mainitin ang ulo ay dapat magbayad kung siya ay iyong sinagip, gagawin mo ito ulit sa pangalawang pagkakataon. 20 Dinggin mo at sundin ang aking katuruan, at ikaw ay magiging marunong hanggang sa katapusan ng iyong buhay. 21 Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, pero ang layunin ni Yahweh ang siyang mananaig. 22 Katapatan ang ninanais ng isang tao, at higit na mainam ang mahirap kaysa sa isang sinungaling. 23 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay; ang gumagawa nito ay masisiyahan at ligtas sa kapahamakan. 24 Binabaon ng batugan ang kaniyang kamay sa pagkain; hindi man lamang niya ito maibalik pataas sa kaniyang bibig. 25 Kapag iyong pinarusahan ang isang mangungutya, matututo pati ang walang pinag-aralan; itama mo ang may pang-unawa at lalawak ang kaniyang kaalaman. 26 Ang isang ninanakawan ang kaniyang ama at pinapalayas ang kaniyang ina ay isang anak na nagdadala ng kahihiyan at kasiraan. 27 Kung hindi ka na makikinig sa katuruan, aking anak, ikaw ay mapapalayo mula sa mga salita ng kaalaman. 28 Ang masamang saksi ay kinukutya ang katarungan, at ang bibig ng masama ay lumulunok ng malaking kasalanan. 29 Nakahanda ang paghatol sa mga mapangutya, at paghahagupit sa likod ng mga mangmang.